Ibinasura ng Sandiganbayan ang isang 1987 civil case, kaugnay ng umanong maling paggamit ng coconut levy funds, laban kina former President Ferdinand Marcos Sr., Imelda Marcos at dating senador Juan Ponce Enrile.
Sa Resolusyon ng 2nd division, binanggit ng anti-graft court ang “inordinate delay”, kung saan inabot ng halos 40 years bilang pangunahing dahilan ng pagbasura sa kaso, na umano’y lumabag sa karapatan ng mga akusado sa mabilis na pagdinig ng kaso.
Inhain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang reklamo, noong Hulyo 1987, na naglalayong mabawi ang umano’y ill-gotten wealth mula sa coconut levy funds.
Tinanggihan ng korte ang hiling ng PCGG na baligtarin ang naunang dismissal noong December 2024, at sinabing inuulit lamang nito ang mga naunang argumento.
Isinaalang-alang din ng korte ang panig ng kampo ng mga Marcos, na nagsabing naapektuhan na ang kanilang kakayahang depensahan ang sarili dahil sa paglipas ng panahon, kabilang ang pagkamatay ng ilang testigo at pagkawala ng mahahalagang dokumento.
Binanggit din ng korte ang isang desisyon ng Korte Suprema ng Pilipinas noong 2021 na nagbasura ng kahalintulad na kaso laban kay Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. dahil din sa matagal na pagkaantala.
Gayunman, magpapatuloy ang pagdinig sa iba pang natitirang respondents sa kaso, kabilang sina former Philippine Coconut Authority Chairman Rolando de la Cuesta at Herminigildo Zayco. | via Judea Bernardo, D8TV news
