Salceda: A-level credit rating, posible sa loob ng 2 taon

Posibleng makamit ng Pilipinas, ang “A-level” sovereign credit rating, sa loob ng susunod na dalawang taon, ayon kay Institute for Risk and Strategic Studies (Salceda Research) Chair Joey Salceda.

Ito’y matapos ilabas ng S&P Global Ratings ang pinakahuling assessment kung saan kabilang ang Pilipinas sa tatlong ekonomiya sa Asia-Pacific na may positive sovereign rating outlook para sa 2026.

Sa kasalukuyan, may BBB+ rating na may positive outlook ang bansa mula sa S&P, isang notch na lamang bago maitaas sa A-minus. Mayroon din itong BBB rating mula sa Fitch Ratings at Baa2 mula sa Moody’s, habang binigyan naman ng A-rating ng Japan’s R&I.

Ayon kay Salceda, kung mapananatili ang pagbuti ng fiscal at external accounts, posible ang upgrade sa loob ng 12 hanggang 24 buwan.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang A-level rating ay magreresulta sa mas mababang interes sa pangungutang ng pamahalaan, na magpapalaya ng mas malaking pondo para sa serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, kalusugan, at imprastruktura.

Tinugunan din ni Salceda ang isyu ng 63.2% debt-to-GDP ratio ng bansa, at iginiit na hindi ito ang tanging batayan ng credit rating.

Binigyang-diin din ni Salceda, na ang ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nasa $110.2 billion ang gross international reserves ng bansa noong huling bahagi ng 2025, mas mataas kaysa sa ilang European countries.

Upang tuluyang makamit ang A rating, inilatag ni Salceda ang tatlong pangunahing hakbang: pagpapalalim ng housing at mortgage market, pagpapatibay ng industrial policy lalo na sa semiconductors at digital infrastructure, at pagpapalakas ng sektor ng turismo upang mapataas ang foreign exchange earnings.

Ayon sa kanya, ang pagpapabuti ng turismo at pag-akit ng mas maraming dayuhang bisita ay makatutulong upang mabawasan ang current account deficit, isa sa mga kondisyong tinitingnan ng S&P para sa upgrade. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *