Sa kabila ng inilaang P240 milyong confidential funds kada taon para sa peace and order programs ng Pamahalaang Lungsod ng Makati, may mga ulat ng pagtaas ng ilang kaso ng kriminalidad sa lungsod, batay sa reklamo ng mga residente ng Salcedo Village.
Mula 2022 hanggang 2023, inaprobahan ng Makati City Council ang P240M kada taon bilang suporta sa mga hakbang laban sa kriminalidad, kabilang sa mga mandato ng local chief executive sa ilalim ng umiiral na Joint Circular No. 2015-01 ng COA at iba pang ahensya ng gobyerno.
Gayunpaman, ilang residente sa Salcedo Village ang nagpahayag ng pag-aalala sa umano’y pagdami ng insidente ng krimen sa kanilang lugar, gaya ng snatching, hold-up, at kidnapping, sa nakalipas na siyam na buwan ng 2024. Ayon sa isang sulat na ipinadala sa tanggapan ni Mayor Abby Binay noong Oktubre 2024, nanawagan ang mga residente na higit pang paigtingin ang mga hakbang pang-seguridad sa kanilang komunidad.
Sa datos na binanggit ng isang kinatawan ng barangay, tumaas ng 8% ang kabuuang krimen sa Barangay Bel-Air mula 2023 hanggang 2024. Sa Salcedo Village, iniulat ang 17% pagtaas sa parehong panahon—mas mataas kaysa sa ibang bahagi ng barangay. Anila, 71% ng mga krimen sa barangay ay dito rin naitala.
Ilan sa mga inilahad na insidente ay ang umano’y kaso ng riding-in-tandem na ang isa ay nakasuot ng Angkas uniform, at isang insidente ng pagnanakaw sa isang pedestrian. Ayon pa sa liham, madalas ding target ng krimen ang mga kainan at mga naglalakad sa paligid.
Noong Mayo 4, 2025, isang insidente sa isang kainan sa Pasay Road, Makati ang naging laman ng social media, kung saan tatlong armadong lalaki ang pumasok at diumano’y tumangay ng cash, alahas, at cellphone.
Sa pinakahuling COA audit report, lumabas na kabilang si Mayor Abby Binay sa mga lokal na punong ehekutibo na may pinakamalaking alokasyon para sa POPs sa Metro Manila, base sa pinagsamang ginastos ng Makati para sa taong 2022 at 2023 na umabot sa P480 milyon.
Kung ikukumpara, gumastos ng P120 milyon ang Lungsod ng Maynila at P100 milyon naman ang Quezon City para sa parehong panahon, batay sa ulat ng COA. Ang Quezon City ay may pinakamalaking populasyon at lawak ng sakop sa NCR, at itinuturing na pinakamayamang lungsod ayon sa kanilang total assets.
Sa ilalim ng mga umiiral na panuntunan, maaaring gamitin ang confidential funds para sa crime prevention, training ng mga kawani, at mga kampanya laban sa iba’t ibang ilegal na aktibidad. Naniniwala ang mga residente na may espasyo pa para palakasin ang seguridad at proteksyon sa kanilang lugar. | D8TV News
#D8TVNews #D8TV