Inilatag ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa isang privilege speech ang mga batayan upang disiplinahin ng Kamara si Rep. Richard Gomez kaugnay ng umano’y pananakit at agresyon nito laban kay Philippine Fencing Association president Rene Gacuma, isang senior citizen, sa nagdaang SEA Games sa Thailand.
Ayon kay Ordanes, malinaw sa Section 142 ng Rules of the House na ang parusa sa asal na hindi nagbibigay ng karangalan sa Kamara ay maaaring mula sa censure hanggang expulsion. Gayunman, iginiit niyang ang pagpapasya sa parusa ay nakasalalay sa House Ethics Committee at sa 2-thirds ng mga miyembro ng Kamara.
Sinabi rin ni Ordanes na maaari siyang bumoto pabor sa suspensiyon na hanggang animnapung araw dahil sa elementong pisikal ng umano’y pananakit, at iginiit na dapat tumugma ang parusa sa nagawang paglabag.
Tinuligsa rin ni Ordanes ang pahayag ni Gomez na hindi siya kumilos bilang kongresista nang mangyari ang insidente. Aniya, ang pagiging mambabatas ay kaakibat ng isang opisyal sa lahat ng oras, sa loob man o labas ng bansa, at hindi maaaring isantabi.
Binigyang-diin din ni Ordanes na ang anumang magiging desisyon ng Kamara ay hiwalay pa rin sa mga posibleng kasong isasampa sa labas ng Kongreso.
Sa kanyang talumpati, isinalaysay ni Ordanes ang kalagayan ni Gacuma na isang quadruple bypass survivor at may pacemaker, na kinailangan ng agarang medikal na atensyon matapos umanong tumaas nang husto ang kanyang blood pressure. Batay sa ulat, inilahad ni Gacuma na tinapakan umano ni Gomez ang kanyang paa, pinisil ang kanyang hinlalaki, gumamit ng masasamang salita, at sinuntok sa likod ng ulo habang paalis na.
Dagdag pa ni Ordanes, sa ganitong kondisyon ng biktima, ang insidente ay maaaring magdulot ng seryosong panganib tulad ng stroke, at hindi lamang simpleng alta-presyon. Binanggit din ang umano’y ikalawang komprontasyon habang ginagamot si Gacuma.| via Judea Bernardo, D8TV News
