Naglabas ng pahayag si Batangas 1st District Rep. Leandor Leviste na hawak na umano nito ang mga ebidensiya ng umano’y kickbacks kaugnay ng mga anomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na anila’y ilalabas sa “tamang panahon.”
Ayon kay Leviste, tumanggi umano siyang mag-abroad at humingi pa ito ng pahintulot sa Kongreso matapos umanong pakiusapan ng ilang kinatawan ng administrasyon ang kanyang ina na umalis na lamang siya ng bansa sa halip na ilabas ang mga ebidensiya laban sa mga proponent ng mga kuwestiyonableng DPWH projects.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Leviste na lampas pa umano sa tinatawag na “Cabral Files” ang hawak niyang ebidensiya na aniya’y nagpapakita ng aktuwal na pagtanggap ng kickbacks.
Sinabi rin niya na bagama’t pinayuhan siyang hindi pa ngayon ang tamang panahon para ilabas ang mga dokumento, nakapaghanda na umano siya ng mga video upang matiyak na lalabas ang katotohanan kahit ano pa ang mangyari sa kanya.
Aniya, ang mga pag-atake laban sa kanya ay bunsod umano ng takot ng mga sangkot sa posibleng paglalantad ng mga ebidensiya.
Gayunman, tiniyak ni Leviste na hindi siya matitinag at lalabas din umano ang katotohanan sa itinakdang panahon.
Nanawagan din ang mambabatas sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DPWH, kabilang ang ilang dating undersecretary at cabinet officials, na magbahagi ng nalalaman ukol sa mga umano’y anomalya at sa mga tumanggap ng kickbacks.
Sa ngayon, nakapaghanda na sya ng video, upang sakaling may mangyari rito, ay lalabs at lalabas sa “tamang panahon” ang mga ebidensya at kapag handa na ang mga testigo na magsalita. | via Judea Bernardo
