Nagpahayag si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ng pag-concur at pag-dissent sa mosyon na i-adopt ang ulat ng House Justice Committee kaugnay ng mga impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kaniyang manifestation, sinabi ni Rep. De Lima na sumasang-ayon siya sa desisyon ng komite na kulang sa substance ang De Jesus complaint.
Gayunman, mariin niyang tinutulan ang pagdedeklara ng insufficiency in substance sa ikalawang reklamo na inihain ng grupong pinamumunuan ni Lisa Maza at iba pa.
Ayon kay De Lima, sa yugto ng pagtalakay, ang tanging dapat suriin ng komite ay kung sapat sa substance ang mga alegasyon at hindi pa ang merito ng mga ito.
Iginiit niya na bagama’t may halong konklusyon ang reklamo, may sapat umanong matitibay at makatotohanang alegasyon ang Maza et al complaint upang makalusot sa unang pagsusuring ito.
Dagdag pa niya, napaaga umano ang pagbasura ng mayorya sa naturang reklamo dahil hindi pa ito ang tamang yugto para tuluyang isara ang usapin. | via Judea Bernardo
