Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima, kasama ang mga mambabatas ng Liberal Party at Akbayan nang mas matibay at mas agresibong hakbang ng pamahalaan laban sa mga pahayag ng Chinese Embassy na umano’y umaatake at nananakot sa mga opisyal ng Pilipinas.
Sa paghahain ng House Resolution No. 680, hinimok ng mga mambabatas ang Executive Branch, partikular ang Dept. of Foreign Affairs (DFA), na magpatupad ng mas matapang na diplomatikong aksyon.
Kabilang dito ang paghahain ng diplomatic protests, pag-summon sa Chinese Ambassador, at ang posibilidad na ideklarang persona non grata, ang sinumang opisyal ng embahada na sangkot sa hindi angkop at undiplomatic behavior.
Aniya, walang karapatan ang mga Tsino na laitin, insultuhin at bastusin ang ating mga opisyal.
Dagdag pa niya, bagama’t naglabas na ng mga pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa isyu, naniniwala silang kinakailangan ang mas malakas at mas matapang na tugon ng gobyerno.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon sina Reps. Edgar Erice, Adrian Michael Amatong, Arlene “Kaka” Bag-ao, Jaime Fresnedi, Cielo Krisel Lagman, at Alfonso Umali Jr., gayundin ang mga mambabatas ng Akbayan na sina Reps. Chel Diokno, Percival Cendaña, at Dadah Kiram Ismula. |via Judea Bernardo, D8TV News
