Binatikos ni Akbayan Party-list Rep. Leila de Lima ang pahayag ng Palasyo na hinahayaan na lamang sa sarili nitong desisyon ang kapalaran ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay De Lima, malinaw na walang intensyon ang Pangulo na ipagpatuloy ang operasyon ng ICI dahil sa patuloy na kabiguang magtalaga ng mga bagong commissioner.
Giit ng mambabatas, hindi makatwiran na ipasa sa ICI ang desisyon sa sarili nitong kapalaran sa ilalim ng palusot na isa itong independent body, lalo’t ang Pangulo rin ang lumikha nito sa pamamagitan ng executive order.
Binigyang-diin ni De Lima na isang collegial body ang ICI at hindi ito maaaring gumana nang maayos kung iisa lamang ang commissioner at walang quorum para magpasya sa mahahalagang usapin.
Dagdag pa niya, tungkulin ng Pangulo na tiyaking epektibo ang operasyon ng ICI sa pamamagitan ng pagpuno sa mga bakanteng posisyon at pagbibigay ng sapat na suporta.
Tinawag ding hindi katanggap-tanggap ni De Lima ang pahayag ng Palasyo na kailangan lamang magsabi ng ICI kung ano ang kanilang pangangailangan. | via Judea Bernardo
