Rep. Acidre, nanawagan sa Senado na pabilisin ang pagpasa ng Bagong Balikbayan Act

Nanawagan si House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Party-list Representative Jude Acidre sa Senado na agarang ipasa ang panukalang Bagong Balikbayan Act, kasabay ng pag-uwi ng libo-libong overseas Filipino workers o OFWs matapos ang holiday season.

Ayon kay Acidre, mahalagang ma-institutionalize ang mga programang tutulong sa maayos na paglipat ng mga nagbabalik na OFW patungo sa lokal na trabaho, pagnenegosyo, at muling pakikibahagi sa komunidad matapos ang ilang taong pagtatrabaho sa abroad.

Layon ng House Bill No. 6643, o Bagong Balikbayan Act, na pagsama-samahin ang umiiral na reintegration services, palawakin ang access sa kabuhayan at employment assistance, at magtatag ng mas organisado at tuloy-tuloy na suporta para sa mga umuuwing migrant workers at kanilang pamilya.

Sinabi ni Acidre na ang mabilis na aksyon ng Senado ay magsisilbing malinaw na mensahe na kinikilala ng Kongreso ang sakripisyo ng mga OFW at handang tumbasan ito ng pangmatagalang reporma.

Una nang isinulong ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at co-author si Acidre, ay inaprubahan ng Kamara noong December 16, 2025 at agad na ipinadala sa Senado kinabukasan.

Binibigyang-diin din ng panukala ang suporta sa pamilya ng OFWs sa pamamagitan ng psychosocial counseling, family reintegration services, at access sa social protection programs lalo na para sa mga distressed at vulnerable na pamilya. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *