Nagbabala si Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring masuspinde o maharap sa administrative cases ang mga pulitikong patuloy na ginagamit ang mga programa ng gobyerno para sa pansariling pakinabang o gumagawa ng tinatawag na “epal” sa pamamahagi ng ayuda. Ito ay bahagi ng mas mahigpit na pagpapatupad ng anti-epal provision sa General Appropriations Act.
Ayon kay Remulla, maraming administrative sanctions ang maaaring ipataw mula suspension hanggang preventive suspension bagama’t hindi pa ito kriminal na kaso. Naniniwala rin siya na panahon na para gumawa ng batas na magbibigay ng mas matibay na ngipin sa kampanya kontra-epal, dahil sa ngayon ay wala pa itong malinaw na nakapaloob na pamantayan sa batas.
Hinikayat din ng DILG ang publiko na mag-video o mag-picture at i-report ang mga epal na opisyal, at pinag-aaralan ang pagbuo ng isang reporting portal na kahalintulad ng Sumbong sa Pangulo website.
Samantala, sa pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ₱6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026, tiniyak niya na ang ayuda ay direktang mapupunta sa mga benepisyaryo at hindi gagamitin sa pamumulitika. Giit ng Pangulo: bawal ang pulitiko sa pamamahagi ng ayuda—walang bawas, walang kakulangan, walang patronage. | via Allan Ortega
