Malaki ang maitutulong ng isasagawang malawakang rehabilitasyon ng Maharlika Highway sa mga pampublikong sasakyan sa mga lalawigan.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Vigor Mendoza II, positibo nitong tinanggap ang pahayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na uunahin ngayong taon ang pagkukumpuni ng Maharlika Highway at iba pang mahahalagang kalsada.
Sinabi ni Mendoza na ang pangako ni DPWH Secretary Vince Dizon na ayusin ang Maharlika Highway ay malaking benepisyo para sa mga pampublikong bus dahil ito ang pangunahing ruta ng mga pampasaherong sasakyan sa maraming probinsya.
Matagal na umanong inirereklamo ng mga bus operator ang sira-sira at bako-bakong mga kalsada na nagdudulot ng dagdag-gastos sa maintenance at operasyon ng kanilang mga sasakyan.
Dagdag pa ni Mendoza, hindi lamang mga bus ang makikinabang sa proyekto kundi pati na rin ang mga pampasaherong jeepney, UV Express van, at maging ang mga traysikel na dumaraan sa naturang highway.
Ang Maharlika Highway ay may habang humigit-kumulang 3,500 kilometro mula Northern Luzon hanggang sa katimugang bahagi ng Mindanao na may tinatayang hindi bababa sa P16 bilyon ang kakailanganing pondo para sa end-to-end na rehabilitasyon nito. | via Judea Bernardo
