Iginiit ng National Capital Region Police Office o NCRPO na wala silang nakikitang legal na pananagutan ng Quiapo Church kaugnay ng mga nasawing indibidwal sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Nazareno ngayong 2026.
Ito ay matapos kumpirmahin ni NCRPO Director Major General Anthony Aberin na may isang photojournalist na nasawi sa aktibidad na Pahalik, habang tatlong deboto naman ang pumanaw sa isinagawang Traslacion noong Sabado ng umaga.
Ayon kay NCRPO Spokesperson Major Hazel Asilo, batay sa isinagawang imbestigasyon ng Homicide Division, wala pa silang nakikitang dahilan upang kasuhan ang Simbahan ng Quiapo kaugnay ng insidente.
Dagdag pa ni Asilo, batid umano ng mga deboto ang posibleng panganib sa kanilang pakikiisa sa mga aktibidad ng kapistahan at alam nila ang mga maaaring mangyari.
Kinilala ng Manila Police District ang media worker na nasawi sa Pahalik na si photojournalist Itoh Son.
Patuloy pa rin ang koordinasyon ng pulisya sa mga kinauukulan kaugnay ng mga insidente habang bumubuo ng mga hakbang upang mapabuti ang crowd management sa mga susunod na pagdiriwang.
