Quack dentists sa Batangas, timbog sa isinagawang operasyon ng PNP-ACG

Arestado ang apat na quack dentists o mga nagkukunwaring dentista sa lalawigan ng Batangas, kaugnay ng ilegal na pagsasagawa ng medical operations.

Sa press briefing ng Philippine National Police-Anti Cybercrime group (PNP-ACG), sinabi ni Director BGen. Wilson Asueta, na batay sa pinakahuling update ng ACG operations kaugnay ng quack dentists, apat na indibidwal na kinabibilangan ng isang lalaki at tatlong babae ang nahuli ng mga otoridad.

Isinagawa ang nasabing operasyon sa pagitan noong January 1 hanggang January 23, 2026.

Ayon kay Asueta, posibleng maharap sa paglabag sa Republic Act 9484 series of 2007, section 33 ang mga nasabing suspek, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng anumang dentistry practice, hygiene, o anumang dental technology procedures, ng walang certificate of recognition, professional identification card, at special permit, na sumusunod sa probisyon ng RA 9484.

Sa ilalim ng nasabing batas, posibleng pagmultahin ang mga mapapatunayang may sala, ng hindi bababa sa 200, 000 pesos hanggang kalahating milyon, at pagkakakulong ng hindi bababa sa dalawang taon hanggang limang taon, ayon sa magiging pasya ng korte.

Sa ngayon, aabot na sa 93 individuals ang naaresto ng mga otoridad, simula noong nakaraang taon, para sa mga reklamong nauugnay sa quack dentist operations.

Nagpaalala naman si Asueta sa publiko, na mainam na i-validate sa Philippine Dental Association ang mga makikitang medical product at service ads, sa internet, upang masigurong otorisado ang mga itong magsagawa ng medical procedures. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *