Handang ibalik ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ayuda para sa mga tsuper ng public utility vehicles (PUV), gaya ng ipinatupad noong pandemya.
Ayon sa LTFRB, ibabalik ang service contracting program sa piling ruta sa Metro Manila at iba pang urban areas upang matiyak na tuloy-tuloy ang biyahe ng mga commuters.
Ito ay kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, na naging dahilan para magbawas ng biyahe at magsagawa ng transport strike ang ilang grupo ng tsuper.
Target ng Department of Transportation (DOTr) na mailunsad ang programa sa April 15, makaraang humingi ng isang bilyong pisong pondo sa Department of Budget and Management.
Sakop ng programa ang mga bus driver sa EDSA, mga jeep na dumaraan malapit sa LRT at MRT stations, at iba pang PUV sa pangunahing transport hubs. Bukod sa Metro Manila, ipatutupad din ito sa Davao City, Cagayan de Oro, at iba pang lungsod.
Matatandaang unang ipinatupad ang programang ito noong 2020 sa ilalim ng Bayanihan Law, kung saan may weekly subsidy ang mga tsuper batay sa kilometrong itinakbo, kahit kaunti ang pasahero.
