Naging sagabal na umano sa aktibidad ng isang sindikato ng droga si Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr. kaya ito iniligpit at ibinaon sa isang septic tank.
Ayon sa extrajudicial confessions ng mga suspek, naaapektuhan na umano ng trabaho ni Casauay bilang miyembro ng PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit ang kanilang operasyon kaya siya dinispatsa ng grupo.
Binaril si Casauay ni Julian Salamat malapit sa tahanan ng mamamahayag na si Oliver Mauricio, na inaresto rin kaugnay sa krimen.
Naniniwala ang mga otoridad na pinatay si Casauay dahil sa kanyang intelligence work kung saan nadakip noong Disyembre ang isa sa mga kasamahan ni Salamat sa sindikato.
Si Casauay ay naiulat na nawawala noong January 24. Natagpuan ang bangkay nito January 30 sa isang septic tank sa isang bahay sa Malolos, Bulacan. | via Allen Ibañez
