Pulis, patay sa pamamaril sa buy bust operation sa Bacolod City

Namatay ang isang pulis mula sa Station Drug Enforcement Team ng Bacolod City Police Station sa gitna ng isinasagawang buy bust operation ng pulisya, kagabi.

Ayon kay Police Regional Office Negros Island Region, Spokesperson, Lt. Col. Joem Malong, nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Police Station 9 sa Barangay Sincang laban sa drug suspek ng biglang bumunot ito ng baril at pinutukan ang pulis na tinamaan sa kanang hita.

Agad naman isinugod sa ospital ang biktimang pulis na kinilala na si Police Master Sergeant Romulo Galvez, ngunit binawian din ito ng buhay kaninang madaling araw dahil sa hypovolemic shock o maubusan ng dugo.

Naaresto naman ang suspek at nakuha mula rito ang limang sachet ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng ₱48,000, buy-bust money at baril na ginamit sa insidente.

Nahaharap sa kasong murder, illegal possession of firearms at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Samantala, tiniyak naman ni Police Regional Director, Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay sa pamilya naiwan ng namatay na pulis ang tulong at suporta sa kanila kasunod ng pakikiramay nito sa biktima. I via Allen Ibañez, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *