Pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng pansamantalang dagdag-pasahe kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, na pinalala pa ng tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board chair Vigor Mendoza II, magbibigay sila ng go-signal sakaling umabot sa ₱60 kada litro ang presyo ng langis.
Sa kasalukuyang presyo, sinabi ni Mendoza na hindi pa makatarungan ang ₱1 provisional fare increase.
Inihayag din ng LTFRB na magkakaroon ng hiwalay na konsultasyon sa mga stakeholder kaugnay ng posibleng permanenteng dagdag-pasahe.
Sa panig ng mga transport group, humihiling ang mga jeepney at bus operator ng ₱2 dagdag-pasahe, habang ang mga provincial bus operator ay nananawagan ng dagdag na ₱0.50 kada kilometro.
Ang mga point-to-point (P2P) bus operator naman ay humihirit ng 30-40% dagdag-pasahe. May panukala rin na dagdag na ₱20-₱30 base fare para sa ride-hailing services.
Kasalukuyan na ring nakikipagdayalogo ang LTFRB sa mga taxi driver at provincial bus operators.
Samantala, inaayos na ng Department of Transportation at LTFRB ang mga dokumento para sa posibleng pamamahagi ng fuel subsidy.
Nakatakdang maglaan ang pamahalaan ng 2.5 bilyong pisong fuel subsidy para sa mga public utility vehicle operator sakaling umabot sa $80/bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. | via Allan Ortega, D8TV News
