Dismayado ang grupong Bayan nang lumabas sila sa Office of the Secretary General ng Kamara, bitbit-bitbit pa rin ang impeachment complaint na ihahain nila laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa press conference ng BAYAN, sinabi nila na hindi tinaggap ang impeachment complaint ng grupo dahil lumipad patungong Taiwan si Secretary General Cheloy Garafil na siyang dapat na tumanggap ng petisyon ayon sa rules ng Kamara.
Hindi muna anila tinanggap ng Executive Director na si Mormoi Salonga ang impeachment complaint, dahil iginiit nitong wala syang awtoridad na tanggapin ang nasabing reklamo.
Paliwanag naman ni Atty, Neri Colmenares, hindi na kasalanan ng private complainants kung wala si Garafil sa araw nang pagpapasa ng complaint.
Ayon sa Republic Act. 6733, pwede itong i-delegate sa staff ng Secretary General, kagaya ng Deputy Secretary General.
Sa ilalim din umano ng Konstitusyon, dalawa lamang ang kinakailangan upang mapausad ang isang verified impeachment complaint: ang mismong reklamo na ihahain ng mga biktima, at isang resolution of endorsement mula sa isang member of the house.
Iginiit din ni Colmenares na sa ilalim ng rules of court, sa oras na hindi physically present ang tatanggap ng isang impeachment complaint, ang dapat gawin ng complainants ay iwanan na lamang ang kopya ng reklamo sa tanggapan ng pagpapasahan nito.
Dahil dito, nag-iwan ng isang kopya ng impeachment complaint ang grupong BAYAN sa opisina ni Sec Gen Garafil, upang mabusisi nya ito sa kanyang pagdating sa Lunes, at maitransmit sa Office of the Speaker.
Sa oras na maihatid ito sa opisina ni House Speaker Faustino Bojie Dy Ill, si Speaker Dy na ang magpapasa nito sa Committee on Rules, upang maipasama ito sa Order of Business. | via Judea Bernardo
