Posibleng wala pa ring pahinga ang mga motorista sa sunod-sunod na taas-presyo ng langis pagsapit ng unang linggo ng Marso.
Ayon sa pagtataya ng industriya, maaaring madagdagan ng hanggang ₱1.60 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa mga gasolinahan.
Sa abiso ni Jetti Petroleum president Leo Bellas, inaasahang tataas pa ang diesel ng ₱0.80 hanggang ₱1.00 kada litro, habang mas malaki naman ang posibleng dagdag sa gasolina na ₱1.40 hanggang ₱1.60 kada litro.
Kapag naipatupad, ito na ang ika-walong sunod na linggong pagtaas sa diesel at ika-sampung linggo sa gasolina.
Ayon kay Bellas, patuloy na naaapektuhan ang presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East, partikular ang banta ng giyera sa pagitan ng US at Iran, gayundin ang paghina ng pag-export ng gasolina mula China at South Korea.
Hangga’t hindi nareresolba ang negosasyon at may banta ng paglala ng sigalot, nananatiling mataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado. | via Allan Ortega, D8TV News
