Presyo ng gamot, hindi tataas – DOH

Tiniyak ng Department of Health o DOH na hindi tataas ang presyo ng mga gamot hanggang Hunyo, ayon kay Secretary Ted Herbosa.

Ayon sa kalihim, may sapat na suplay ng mga mahahalagang gamot tulad ng insulin at antibiotics kaya walang dapat ipangamba ang publiko sa posibleng kakulangan.

Ibinahagi rin ni Herbosa na ngayong taon ang DOH ay may pinakamalaking badyet na umaabot sa humigit-kumulang ₱426 bilyon, kaya’t tanging hamon lamang aniya ang mas episyenteng paggamit nito para sa mga programa ng kalusugan.

Naiulat din aniya ang humigit-kumulang 20 percent na pagtaas sa gastusin ng ahensya dahil sa epekto ng kasalukuyang economic situation.

Patuloy naman ang pagpapatupad ng mga programa tulad ng Zero Balance Billing sa mga DOH hospital, na nakatulong na sa milyun-milyong Pilipino sa pagbabayad ng hospital bills.

Samantala, nagpaalala ang DOH sa publiko na maging maingat sa matinding init ng panahon, kung saan posibleng umabot sa 40 degrees Celsius ang heat index sa ilang lugar.

Pinayuhan ang mga bata at matatanda na uminom ng sapat na tubig at iwasan ang matagal na pagkabilad sa araw upang makaiwas sa heat-related illnesses.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *