Tinulungan ng Presidential Task Force on Media Security o PTFOMS, sa pakikipag-ugnayan sa Public Attorney’s Office at National Press Club of the Philippines, ang TV at radio reporter na si Felix Laban.
Nahaharap si Laban at ang beteranong Radio reporter na si Misael “Boy” Gonzales Jr. sa kasong paglabag sa Data Privacy Act, kaugnay ng kanilang ulat tungkol sa umano’y arrest warrant laban sa isang konsehal ng Maynila.
Noong Huwebes, tumulong ang PTFOMS sa pagproseso at paglagak ng ₱18,000 na piyansa ni Laban sa Regional Trial Court Branch 20 sa Maynila matapos ang kanyang boluntaryong pagsuko.
Nagsagawa rin ng debriefing si PTFOMS Executive Director Joe Torres at muling tiniyak ng PTFOMS ang kanilang suporta sa kaligtasan at legal na proteksyon ng mga mamamahayag.
Samantala, ikinabahala ng mga grupo ng mamamahayag ang pagkakaaresto kay Gonzales. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), malinaw umanong panggigipit at pag-abuso sa batas ang pagsasampa ng kaso laban sa reporter, dahil bahagi ng tungkulin ng media ang pag-uulat sa mga usaping may kinalaman sa interes ng publiko.
Nagpahayag din ng pag-aalala ang National Press Club of the Philippines, na nagsabing ang pag-aresto sa isang mamamahayag dahil sa ulat na nakabatay sa opisyal na dokumento ng korte ay maaaring magdulot ng ‘chilling effect’ sa press freedom.
Nanawagan ang mga grupo sa mga awtoridad na tiyakin ang due process at igalang ang karapatan ng media na mag-ulat tungkol sa mga isyung may kinalaman sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.
