Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na manatiling matatag at positibo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay—gaya ng ipinamalas ni Hesukristo.
Sa kanyang mensahe para sa Semana Santa, inalala ni Marcos ang sakripisyo, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Kristo, na aniya’y ehemplo ng pagmamahal at kabutihan. Ayon sa Pangulo, kahit alam ni Hesus ang hirap ng kanyang paglalakbay, matapang niya itong hinarap alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan.
“Maging gaya sana tayo ni Kristo— buo ang loob, may pag-asa, at handang tumulong sa kapwa,” wika ni Marcos. Dagdag pa niya, ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nagpapatunay na kahit tayo’y may kahinaan, kaya pa rin nating maglingkod para sa mas mataas na layunin.
Hinimok din ng Pangulo ang bawat isa na humugot ng lakas mula sa pamilya at pananampalataya, at patuloy na tumugon sa tawag ng Diyos—lalo na para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Samantala, dagsa ang mga Katoliko sa mga simbahan nitong Palm Sunday, Abril 13, hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw na magtatapos sa Easter Sunday. | via Allan Ortega | Photo via reddit.com
#D8TVNews #D8TV