Nagpatuloy nitong Biyernes, March 20, 2026, ang ikinasang kilos protesta ng PISTON bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis na may kaugnayan sa tensyon sa Middle East.
Ayon sa grupo, umabot sa 90% ng pangunahing kalsada sa Metro Manila ang naapektuhan ng kanilang tigil-pasada noong Huwebes.
Gayunman, sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na nanatiling “normal” ang daloy ng trapiko at wala umanong na-stranded na commuters. Nagbigay rin ng libreng sakay ang pamahalaang lokal ng Quezon City at sa ilang bahagi ng Baclaran sa Parañaque.
Tinataya ng PISTON na kung aabot sa P120 kada litro ng diesel sa ilang gasolinahan, umaabot sa P3,600 kada araw ang gastos ng isang jeepney na kumokonsumo ng 30 litro.
Ayon kay NCR PISTON president Ely Villena, maliit lamang sana ang maidadagdag sa kita ng mga driver mula sa panukalang P1 hanggang P2 na taas-pasahe, ngunit ito ay sinuspinde.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng fare hike, habang nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na mananatili itong suspendido hangga’t walang go signal.
Plano ng PISTON na magmartsa patungong Mendiola ngayong hapon upang ipahayag ang kanilang panawagan sa Malacañang. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
