Posibleng pagbilis ng inflation, ibinabala

Nagbabala si dating Bayan Muna Representative at House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na maaaring sumirit pa ang inflation sa bansa sa mga susunod na buwan kung hindi agad matutugunan ng pamahalaan ang lumalalang krisis sa presyo ng langis.

Ginawa ni Zarate ang pahayag matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na umakyat sa 2.4% ang inflation noong Pebrero mula sa 2% noong Enero.

Ani Zarate, ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay maaaring magdulot ng domino effect sa ekonomiya, na maaaring magpabigat ng presyo ng pamasahe, pagkain, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin, at higit na magpahirap sa ordinaryong Filipino, kabilang ang manggagawa, magsasaka, mangingisda, at mga commuter.

Dahil dito, muling nanawagan si Zarate na pabilisin sa Kongreso ang pagtalakay sa House Bill 215 o Presyo Ibaba bill, na naglalayong alisin ang excise taxes at expanded value-added tax sa mga produktong petrolyo at iba pang essential services at commodities.

Bukod dito, isinusulong din ng Makabayan bloc ang iba pang panukalang batas para sa reporma sa industriya ng langis, kabilang ang:

House Bill 8125 — regulasyon sa downstream oil industry

House Bill 8126 — centralized procurement ng langis

House Bill 8127 — renationalization ng Petron Corporation

House Bill 8128 — unbundling ng oil prices

Sa huli, nanawagan si Zarate sa pamahalaan na agad kumilos upang maprotektahan ang mga Pilipino mula sa posibleng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa mga susunod na buwan. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *