Posibleng pagbabalik ni Lacson sa Blue Ribbon Committee, nagpapainit sa labanan sa pamunuan ng Senado

Posibleng mawalan ng suporta sa majority bloc at pati na rin ng puwesto bilang Senate President si Vicente “Tito” Sotto III kung ibabalik kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee.


Ayon kay Lacson, nang ialok ni Sotto ang pagbabalik ng kanyang chairmanship, sinabi niyang dapat silang maging handa sa anumang resulta kabilang ang pagkawala ng suporta ng ilang miyembro ng majority bloc, na maaaring magbunsod ng pagkawala ni Sotto sa Senate presidency.


Ipinunto ni Lacson na kung sakaling lumipat ang majority sa grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano, na kasalukuyang pinuno ng 9-man minority bloc, “anong BRC chairmanship pa ang pag-uusapan natin?”


Nauna nang nagbitiw si Lacson bilang BRC chair noong Oktubre 6 dahil umano sa pagkadismaya ng ilang senador sa direksyon ng imbestigasyon sa kontrobersiyal na flood control projects na kinasasangkutan ng ilang opisyal at kontratista. Pinalitan siya pansamantala ni Sen. Erwin Tulfo bilang acting chairman.


Samantala, iginiit ni Sotto na handa siyang mawala sa puwesto kung iyon ang kapalit ng pagbabalik ni Lacson sa BRC. “Ang takot ay matagal ko nang isinantabi,” aniya.


Bagaman di pa pinal ang desisyon ni Lacson, sinabi ni Sotto na karamihan sa mga senador ay pabor sa kanyang pagbabalik, at handa silang pag-usapan ito sa nalalapit na pagpupulong. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *