Lumobo na sa 112,729,484 milyon ang populasyon ng bansa ngayong 2025 na lubhang mas malaki ng 3.6 milyon kumpara sa 109 milyon noong nakaraang taon.
Ito ay batay sa pinakabagong data ng Census of Population (POPCEN 2024) na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula July hanggang September noong 2024.
Ayon sa census ng PSA, saklaw nito ang lahat ng 18 administrative region ng bansa, kabilang ang mga Pilipinong nasa mga embassies, consulates, at diplomatic missions sa ibang bansa.
Sa kabila ng pagtaas ng kabuuang bilang ng populasyong Pilipino, kapansin-pansin ang pagbagal ng annual population growth rate sa 0.80% mula 2020 hanggang 2024, malayo sa 1.63% na naitala noong 2015 hanggang 2020.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan sa mababang pagdami ng populasyon ay ang pagbaba ng fertility at birth rates, mataas na mortality rate dulot ng COVID-19 pandemic, at ang pagbaba ng migrasyon.
Ang opisyal na datos ay batay sa reference date na July 1, 2024, at idineklara bilang opisyal sa pamamagitan ng Proclamation No. 973 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. | via Clarence Concepcion