Nakatutok ngayon ang Philippine National Police sa pagtukoy ng utak sa likod ng pananambang laban kay Shariff Aguak Mayor Akmad Mitra Ampatuan sa Maguindanao del Sur kahapon, kung saan lumalabas na magkakamag-anak ang mga suspek.
Ang mga video sa ambush site ang ginagamit ngayon ng isang Special Investigation Task Group o SITG upang masusing imbestigahan ang mga suspek at motibo sa ambush, ang ikaapat na ngayong attempt sa buhay ni Mayor Ampatuan.
Sa initial investigation, lumalabas na magkakamag-anak ang apat na suspek, kabilang ang lider ng grupo na may hawak ng rocket-propelled grenade o RPG.
Napatay ang apat na suspek sa isinagawang hot pursuit sa kahabaan ng national highway.
Gumamit umano ng RPG sa pananambang dahil alam ng mga suspek na bulletproof ang sinasakyang Toyota Land Cruiser ng alkalde.
Posible umanong guns-for-hire ang mga suspek. Pero ang tanong – sino ang mastermind ng ambush.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng PNP upang tukuyin ang buong network sa likod ng pananambang at matiyak ang pananagutan ng mga responsable. | via Judea Bernardo
