Inihayag ng Philippine National Police na nakatuon sila sa pagtulong sa gobyerno laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa energy situation, lalo na sa gitna ng sunud-sunod na taas-presyo ng langis.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., hahabulin at kakasuhan ang sino mang nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyong.
Inutusan na rin ang Anti-Cybercrime Group ng PNP para palakasin ang pagbabantay sa social media laban sa disinformation.
Una rito, ibinabala ng Presidential Communications Office, na paparusahan ang sinumang magpapakalat ng maling balita tungkol sa seguridad, suplay, o presyo ng enerhiya.
Paliwanag ng PCO, ang paglalathala ng pekeng balita ay maaaring magdulot ng hanggang anim na buwang pagkakakulong sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, at doble ang parusa kapag ginawa online, sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act. | via Joana Luna, D8TV News
