PNP Chief, ipinag-utos ang masusing imbestigasyon kaugnay ng pamamaril sa Negros

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon kaugnay ng pamamaril sa isang bar sa Negros Oriental na ikinasawi ng apat na indibidwal kabilang ang tatlong pulis.

Ayon kay Nartatez, inatasan na ang Police Regional Office Negros Island Region na siyasatin ang lahat ng detalye ng insidente upang matiyak na walang palalagpasin sa imbestigasyon.

Isang babae at tatlong pulis ang napatay noong Biyernes ng gabi sa bayan ng Sibulan, matapos mamaril umano si Staff Sergeant Bonifacio Saycon sa isang bar.

Ayon sa initial police report, una nang binaril ni Saycon ang babae bago ito lumabas ng bar at pinaputukan ang tatlo niyang kasama na lulan na ng isang sasakyan.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Saycon at nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.

Kasabay nito, pinababantayang mabuti ng PNP chief ang mga unit commander at kanilang mga tauhan upang tiyaking nanatili ang disiplina at tamang asal sa kanilang hanay. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *