Umakyat na sa ika-apat na puwesto ang pneumonia bilang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas, na kumitil ng 46,718 buhay o 6.7% ng lahat ng pagkamatay hanggang Hulyo 31 ng kasalukuyang taon, ayon sa ulat ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP).
Ayon sa samahan, matagal na nanatili sa ika-pitong puwesto ang pneumonia noong 2021 dahil sa tuloy-tuloy na programa ng pagpapabakuna. Taong 2024 ng tumaas ito sa ika-apat na puwesto. Sa kaparehong taon din nanguna ang pneumonia sa benefit claims ng PhilHealth.
Ikinabahala ng PHAP ang paglobo ng mga kaso ng mga nagkaka pneumonia sa bansa dahil maaari naman daw maiwasan ito sa pagpapabakuna.
Binigyang-diin din ni Teodoro Padilla, Executive Director ng PHAP, na ang pagbabakuna laban sa pneumonia ay nakababawas hindi lamang ng panganib sa kalusugan kundi pati ng mabigat na gastusing medikal para sa mga pamilya at komunidad.
Sa mga numerong nakuha ng D8TV News, umabot sa 648,355 pneumonia benefit claims ang naitala noong taong 2024, na may kabuuang gastos na ₱11.9 bilyon.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pneumonia ay isang uri ng acute respiratory infection na kadalasang dulot ng virus o bakterya, at nananatili itong pinakamalaking sanhi ng pagkamatay sa mga batang wala pang limang taong gulang sa buong mundo.
Nanawagan ang PHAP sa mga institusyon ng pamahalaan, sektor pangkalusugan, at lokal na pamayanan na palakasin ang kampanya sa immunization, pagpapalaganap ng kaalaman, at suporta sa mga programang pangkalusugan upang maiwasan ang karagdagang kaso at pagkamatay. | via Andres Bonifacio Jr.
