Naghain ng reklamo ang iba’t ibang lider ng civil society groups sa Office of the Ombudsman laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasong plunder, bribery, graft at malversation ang isinampa sa bise presidente.
Bukod kay VP Sara, inirereklamo rin ang 15 pang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na kinabibilangan nina Atty. Zuleika Lopez at Atty. Michael Poa.
Nag-ugat ang reklamo sa umano’y maling paggamit ng posibleng aabot sa P612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.
Giit ng isang complainant na si Fr. Flaviano Villanueva, nananatiling pondo ng bayan ang confidential funds.
Paliwanag naman ni dating Department of Finance (DOF) Undersecretary Cielo Magno, kahit tinawag itong confidential funds, may pamantayan pa rin ang paggamit nito.
Matatandaang naimbestigahan na rin ng Kamara ang isyu noong nakaraang taon at naging kwenstyunable rin ang paglitaw ng ilang pangalan gaya ng Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, Miggy Mango at iba pa na wala naman sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Hiniling ng mga nagreklamo na imbestigahan, sampahan at ihanda ng Ombudsman ang kaso kay VP Sara para sa impeachment referral sa Kamara, at isailalim sa preventive suspension ang mga opisyal ng OVP at DepEd.
Binigyang-diin nila na walang opisyal ang ligtas sa batas at ang tamang paggamit ng pondo ng bayan ay tungkulin sa bawat Pilipino. | via Alegria Galimba
