Binanatan ng isang mambabatas ang planong paglipad patungong 17 bansa ni Davao 1st District Representative Paolo Duterte.
Ayon kay ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tinio kay Duterte–hindi siya isang Miss Universe at ang trabaho ng isang congressman ay serbisyuhan ang kanyang nasasakupang distrito.
“Well, ano ba siya? Kinatawan ng distrito o Miss Universe? Trabaho ng isang congressman ay katawanin ang kanyang distrito,” ani Rep. Tinio.
Matatandaang humiling ng travel authority si Duterte para bisitahin ang iba’t ibang bansa mula December 15, 2025 hanggang February 20, 2026.
Kaya naman humiling si Tinio kay House Speaker Bojie Dy na huwag pagbigyan ang hiling na travel clearance nito.
Aniya, ito ay pang-aabuso sa taumbayan na nagpapasweldo sa mga halal na kinatawan.
Kaduda-duda rin umano ang timing ng hiling nito dahil ito umano ang mga panahon na iniimbitahan siya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para sumagot sa ilang mga katanungan kaugnay sa infrastructure projects sa kanyang distrito.
Samantala, sinabi ng Palasyo na hindi naman masama kung gustong magbakasyon ng isang opisyal gamit ang sarili nitong pera.
“Dapat malaman ng constituents niya dahil more than two months siyang mawawala kasi lahat ng public servant, nagsisilbi sa bayan,” sabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro.
Kabilang sa mga bansang nasa clearance ni Duterte ay ang Hong Kong, China, Malaysia, Indonesia, South Korea, Japan, Vietnam, Cambodia, United States, Australia, United Kingdom, the Netherlands, Germany, France, Belgium, Italy, at Singapore. | via Alegria Galimba
