Naglunsad ng programa ang Barangay Addition Hills sa Mandaluyong, upang labanan ang pagtaas ng kaso ng dengue. Sa ilalim ng “May Piso sa Mosquito” program, may pabuya sa mga residente ang bawat patay na lamok na isusuko sa kanila.
Ayon kay Barangay Chairman Carlito Tolibas Cernal, layunin ng programa na hikayatin ang komunidad na aktibong makibahagi sa pagsugpo ng lamok na may dalang dengue. Bagamat may pangamba sa pagbibigay ng gantimpala, tiniyak niyang ito ay kasabay ng kasalukuyang anti-dengue efforts ng gobyerno.
Sa ngayon, Barangay Addition Hills ang may pinakamataas na kaso ng dengue sa lungsod, kabilang ang ilang batang nasawi. Bilang tugon, patuloy ang barangay sa fogging, cleanup drives, at public awareness campaigns. Bukod dito, may 280 maintenance personnel at mga espesyal na grupo na naglilinis ng kanal at nagsasagawa ng fogging.
Pinaalalahanan din ni Cernal ang mga residente na alisin ang nakatiwangwang na tubig upang maiwasan ang pagdami ng lamok. Binibigyang-diin niya na ang pagtutulungan ng barangay, LGU, at national government ay mahalaga sa laban kontra dengue. – via Allan Ortega
Piso kada mahuling lamok sa Mandaluyong
