Pinay caregiver, patay sa missile attack sa Israel

Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isang Filipina caregiver ang namatay matapos tamaan ng shrapnel sa isang airstrike sa Israel.

Kinilala ang biktima na si Mary Anne Velazquez De Vera, 32 anyos, mula Basista, Pangasinan.

Ayon sa ulat, tinutulungan ng Pinay ang kanyang inaalagaang pasyente papunta sa bomb shelter nang mangyari ang pagsabog.

Kinilala siya ng kanyang asawa na isa ring OFW sa Israel.

Tiniyak ng Pangulo na magbibigay ang pamahalaan ng kinakailangang tulong sa pamilya ng biktima.

Nagbigay naman ng pahayag ng pagdadalamhati ang Israeli Embassy sa pagpanaw ni De Vera.

Namatay si De Vera matapos sumiklab ang karahasan sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East dahil sa mga pag-atake ng puwersa ng Amerika at Israel laban sa Iran.

Patuloy namang mino-monitor ang kalagayan ng tinatayang 4,000 hanggang 6,000 Pilipinong nagtatrabaho sa mga base ng US sa iba’t ibang bansa sa Middle East.

Hindi bababa sa 23 international flights patungong Middle East ang nakansela, habang pinayuhan ng Department of Migrant Workers ang mga Pilipino sa Israel na sundin ang security advisories. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *