Sa pagtatapos ng ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, pormal nang tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula kay Malaysian PM Anwar Ibrahim ang chairmanship ng ASEAN para sa 2026 kasabay ng mabigat na responsibilidad sa mga isyung matagal nang kumikiliti sa pagkakaisa ng rehiyon.
Uunahin ni Marcos ang matagal nang nabibinbin na Code of Conduct (COC) ng ASEAN at China. Gusto nitong maging legally binding pero maraming bansa ang umiiwas sa pananagutan. Bukod dito, patuloy ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas, habang may ilang kapitbahay na tinatawag pang “provocative” ang pagtindig ng Manila sa karapatan nito sa West Philippine Sea.
Mananatiling malaki ring sakit ng ulo ang kudeta sa Myanmar. Hindi pa rin gumagana ang “five-point consensus” ng ASEAN. Wala pang napagkakasunduang aksyon kahit pa malapit na ang itinakdang halalan ng junta. Sabi ni Marcos, kung hindi magka-consensus ang ASEAN, Pilipinas na lang ang kikilos mag-isa
At kailangan ding timplahin ng Pilipinas ang umiinit na trade war ng US at China. Nilagdaan ng ASEAN at Beijing ang pinalakas na ACFTA 3.0, patunay ng malalim na ugnayang pangkalakalan pero may agam-agam dahil sa presyon ng mga superpower. Dagdag pa rito ang tensyon sa Taiwan at East China Sea na maaaring makaapekto sa rehiyon.
Pangungunahan ng Pilipinas ang ASEAN sa 2026 at susubukan nitong patunayan na kayang pagsabayin ang prinsipyo, diplomasya, at pagharap sa nagbabagong geopolitics kahit pa walang madaling solusyon sa mga problemang minana nito. | via Allan Ortega
