Muling iginiit ng Pilipinas ang soberanya nito sa North Borneo (Sabah) sa pamamagitan ng isang opisyal na liham sa United Nations. Sa nasabing dokumento noong Marso 19, sinabi ng Philippine Permanent Mission na “hindi kailanman isinuko ng Pilipinas ang soberanya nito sa Sabah.”
Ang hakbang na ito ay tugon sa pagtutol ng Malaysia sa paghahabol ng Pilipinas sa pinalawak nitong continental shelf sa West Palawan Region. Ayon sa Pilipinas, ang lupaing ito ay natural na ekstensyon ng Palawan at Sabah.
Matagal nang pinagtatalunan ang isyu ng Sabah. Noong 1704, ibinigay ng Sultan ng Brunei ang Sabah sa Sultan ng Sulu bilang gantimpala. Noong 1878, ito ay pinaupahan sa British North Borneo Co., pero nagkaroon ng sigalot nang matigil ang bayad noong 1936.
Noong 1962, pormal na inangkin ng Pilipinas ang Sabah matapos pahintulutan ng mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu ang gobyerno na makipagnegosasyon. Taong 1963, lumagda ang Pilipinas, Malaysia, at Indonesia sa Manila Accord, kung saan nakasaad na hindi maaapektuhan ang claim ng Pilipinas sa Sabah.
Noong 2013, tinangkang bawiin ng grupo ng Sultan ng Sulu ang Sabah, na humantong sa isang madugong sagupaan laban sa puwersa ng Malaysia.
Kamakailan, isang korte sa Netherlands ang nagbasura sa $15-bilyong paghahabol ng mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu laban sa Malaysia. | via Lorencris Siarez | Photo via infoplease.com
Pilipinas muling binuhay ang karapatan sa Sabah sa United Nations
