Isang makasaysayang hakbang para sa sports sa bansa ang naganap matapos ianunsyo na ang Pilipinas ang magiging host ng 2026 Asian Track Cycling Championships. Ito ay kasabay ng pagbubukas ng kauna-unahang indoor Velodrome sa bansa na aprubado ng International Cycling Union (UCI) sa Tagaytay City.
Pormal na inilunsad ang Velodrome noong Hunyo 23 bilang bahagi ng Olympic Day celebration ng Philippine Olympic Committee o (POC) matapos ang inspeksyon at pagkilala mula sa Asian Cycling Confederation (ACC), pormal nitong kinumpirma na gaganapin sa Tagaytay ang kumpetisyon mula Marso 25 hanggang 31, 2026.
Sa opisyal na pahayag ng ACC sa social media, binigyang-pugay nito si POC President Abraham “Bambol” Tolentino sa tagumpay na ito.
Bilang pinuno rin ng PhilCycling, binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng Velodrome sa pagpapalakas ng sports sa bansa kung saan damang-dama ang Olympic spirit, ang diwang nagsisilbing lakas upang itaguyod ang pagkakaisa, kahusayan, at inklusibidad sa larangang ito.
Sa malamig na bahagi ng Cavite matatagpuan ang bagong pasilidad na inaasahang magiging sentro naman ng pagsasanay ng mga Pilipinong siklista na nagnanais makapasok sa Olympics. Isa rin itong simula sa mas mataas na antas ng kumpetisyon sa bansa.
Bahagi ng pagdiriwang ang paglagda sa kasunduan para sa Paralympics at paggawad ng Olympic Solidarity Scholarships para sa mga atletang may potensyal. Layunin nitong masuportahan ang susunod na henerasyon ng mga atleta.
Kabilang sa mga dumalo sina Olympic medalist Carlos Yulo (gymnastics) at Nesthy Petecio (boksing), maging si ACC President Dato’ Amarjit Singh Gill, ilang sports officials, at mga lokal na opisyal.
Sa pag-usbong ng Velodrome, hindi lang prestihiyosong karera ang aasahan kundi maging ang pagtaas ng antas ng pagsasanay ng mga lokal na atleta. Isa itong sagisag ng ambisyon ng Pilipinas na makipagsabayan sa entablado ng sports sa buong daigdig. | via Ghazi Sarip | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV