Nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos, na palakasin ang kanilang pagtutulungan upang pigilan ang mga banta sa rule of law sa rehiyon, kabilang ang tinawag nilang “illegal, coercive, aggressive, at deceptive activities” ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang nakasaad sa joint statement na inilabas ng mga senior diplomat at defense officials, ng dalawang bansa matapos ang ika-labindalwang Bilateral Strategic Dialogue na ginanap sa Manila.
Ayon sa magkabilang panig, tuloy-tuloy ang pagpapalawak sa deployment ng mga makabagong missile systems at unmanned systems ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Kasabay nito, inanunsiyo rin na maglalaan ang US ng karagdagang 144 million dollars, para sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa mga umiiral na pasilidad ng militar ng Pilipinas na gagamitin ng tropang Amerikano sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Binanggit sa pahayag na mahalaga ang kolektibong depensa upang pigilan at hadlangan ang agresyon sa alinmang bahagi ng First Island Chain, kasabay ng mariing pagkondena sa mas nagiging agresibong kilos ng China sa South China Sea.
Ayon sa kanila, ang naturang mga aksiyon ng China ay may masamang epekto sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, pati na rin sa ekonomiya ng Indo-Pacific at iba pang bahagi ng mundo.
Muling iginiit ng dalawang bansa na saklaw ng kanilang Mutual Defense Treaty ang anumang armadong pag-atake laban sa armed forces; aircrafts, at mga pampublikong sasakyang-dagat ng alinmang panig, kabilang ang mga coast guard, saanman sa Pacific, kabilang ang WPS. | via Judea Bernardo, D8TV News
