Nakapagtala ang PHIVOLCS ng malaking pagtaas sa sulfur dioxide (SO₂) emissions ng Bulkang Mayon na umabot sa 6,569 tonelada sa loob ng isang araw ang pinakamataas sa nakalipas na 15 taon.
Tumaas din ang average emissions ngayong Pebrero kumpara noong Enero na indikasyon ng mas aktibong paglalabas ng gas mula sa bulkan.
Bagama’t walang kapansin-pansing pagdami sa pagguho ng bato, pyroclastic flows, o lava activity, may naobserbahang malakas na degassing at pagbuga ng abo mula sa tuktok.
Ayon sa PHIVOLCS, maaaring senyales ito ng bagong pagpasok ng magma na puwedeng magdulot ng karagdagang pagsabog.
Nanatili sa Alert Level 3 ang Mayon, ngunit tumaas ang posibilidad ng lava fountaining o katamtamang pagsabog.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na umiwas sa loob ng 6-kilometrong danger zone at maging handa sa posibleng paglikas sa loob ng 8 kilometro kung lalala ang sitwasyon.
Nagbabala rin ang Phivolcs sa banta ng lahar at pagbaha ng putik lalo na kung lalakas ang ulan dulot ng Bagyong Basyang.
Pinapayuhan din ang mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib ng abo. | via Allan Ortega
