PHilMech namahagi ng mga makinarya para sa modernisasyon ng agrikultura

Namahagi ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) ng kabuuang 28,817 unit ng makinaryang pansakahan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program simula noong 2019. Ang mga makinang ito ay ipinagkaloob sa 6,385 farmers’ cooperatives and associations (FCAs) at 368 local government units (LGUs), na may kabuuang halos isang milyong miyembro.

Ang mga ipinamahaging kagamitan ay kinabibilangan ng 14,713 unit para sa paghahanda ng lupa, 4,284 para sa pagtatanim, 8,210 para sa pag-aani at paggiik, 768 drying technologies, at 842 milling equipment. Ang kabuuang halaga ng mga makinang ito ay umabot sa P24.9 bilyon, na may delivery rate na 91.6% sa mga na-procure na kagamitan.

Ayon kay PHilMech Director IV Dr. Dionisio Alvindia, layunin ng programa na mapabuti ang produksyon ng palay at mapababa ang gastos sa pagsasaka. Ang mga makinang ito ay ipinagkaloob bilang grant, o walang bayad, sa mga kwalipikadong FCAs at LGUs. Ang pondo para sa RCEF ay nagmumula sa mga taripa sa pag-aangkat ng bigas, alinsunod sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law. Sa ilalim ng anim na taong programa, inaasahang makakamit ang mas modernong pagsasaka para sa masaganang ani at mas matatag na suplay ng pagkain sa bansa. | via Dann Miranda | Photo via PNA

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *