Nagpahayag ng pag-aalala si Sen. Raffy Tulfo sa mga Pilipinong apektado ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Tulfo, hindi lamang ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers ang dapat pagtuunan ng pansin kundi pati na rin ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na makaaapekto sa mga transport groups, mangingisda, at mga magsasaka.
Aniya, dapat paghandaan ng pamahalaan ang subsidiya sa mga bulnerableng sektor na ito.
Ani Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, itinaas na sa Alert Level 4 ang Iran, Syria, at Iraq, na nangangahulugang kinakailangan ang mandatory evacuation.
Nasa Alert Level 3 naman ang Lebanon, kung saan voluntary ang repatriation at kailangan lamang tumawag sa embahada o Department of Migrant Workers kung kailangan ng tulong.
Nasa Alert Level 2 ang Israel, kung saan dapat restricted sa workplace o sa kasalukuyang kinaroroonan ang mga kababayan natin.
Alert Level 1 naman sa Jordan bilang general warning, habang walang itinaas na alert level sa Kuwait, Oman, Bahrain, Qatar, at UAE.
May kabuuang 2,403,700 na OFW sa Middle East, hindi pa kabilang ang mga undocumented na nagtatrabaho o nakatira sa rehiyon.
Kinumpirma rin ni Tulfo na handa na ang militar para sa mandatory evacuation sakaling magbukas ang airspace sa mga apektadong lugar. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
