Sa loob ng tatlong taong pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umabot na sa mahigit ₱82 bilyong halaga ng droga ang nakumpiska ng mga awtoridad, ayon sa ulat na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong araw, July 30.
Mula noong July 1, 2022 hanggang sa kasalukuyan, 11,067.35 kilograms o mahigit 12 tonelado ng shabu, 94.17 kgs ng cocaine, 141,634 piraso ng ecstasy, at 7,526.68 kgs ng marijuana ang nasabat ng kapulisan sa buong bansa.
Sa kabuuan, aabot sa ₱82.79 bilyon ang pinagsama-samang halaga ng mga nasabat na ilegal na droga.
Dahil dito, nadagdagan ng 4,062 barangay ang kwalipikado na bilang “drug free,” sanhi upang pumalo sa 29,471 ang kabuuang drug cleared barangays sa bansa mula noong 2017.
Sa 113,815 drug operations ng awtoridad, 153,206 ang kabuuang bilang ng mga naaresto, na kung saan, 9,689 dito ay itinuturing na “high value targets” ayon sa PDEA.
Ayon din sa ulat ng PDEA, umabot sa 1,488 drug dens at limang “clandestine” na laboratoryo ang giniba ng awtoridad.
Samantala, 6,040 na mga barangay pa rin ang apektado ng problema sa droga ayon sa ahensya. | via Florence Alfonso, D8TV News Intern | Photo via PDEA
#D8TVNews #D8TV