Malapit nang makumpleto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang 100% national coverage para sa medical transport support matapos mag-turn over ng 10 bagong Patient Transport Vehicles (PTVs) sa kanilang main office sa Mandaluyong ngayong araw.
Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguraduhing lahat ng probinsya, lungsod, at munisipalidad ay may sariling PTV sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP) para palakasin ang access sa emergency medical care sa buong bansa.
Ang bawat PTV ay kumpleto sa stretcher, oxygen tank, wheelchair, first-aid kit, BP monitor, medicine cabinet, at mga kagamitang kinakailangan para sa ligtas at mabilis na paghatid ng pasyente sa ospital.
Sa pag-upo ni Marcos noong 2022, may 680 PTVs na naipamahagi. Bumilis ang rollout ngayong 2025 at nitong November 25, umabot na sa 98% ang coverage matapos mag-deliver ng 82 units sa Bacolod City.
Ngayong araw, binigyan ng PTV ang mga lungsod ng San Pedro, Calapan, Legazpi, Ilagan, Malolos, Muñoz, San Jose, Olongapo, Iriga, at Angeles. Umabot na sa 1,630 units ang kabuuang bilang—katumbas ng 99% coverage ng 1,642 LGUs.
May nakalaang ₱1 bilyon ang PCSO ngayong 2025 para bumili ng karagdagang 395 PTVs upang makamit ang 100% nationwide coverage bago matapos ang taon.
