Itinanghal bilang Grand Prix Champion ang Philippine Charity Sweepstakes Office Chorale sa Korea International Choir Competition 2026 na ginanap nitong Linggo, March 1, sa Incheon National University.
Tinalo ng grupo ang 47 iba pang chorales mula sa Indonesia, South Korea, Russia, Taiwan, Malaysia, Estados Unidos, Poland, at Pilipinas.
Nasungkit ng PCSO Chorale ang kampeonato matapos ang kanilang performances ng “Puer Natus in Bethlehem” at “Te Lucis Ante Terminum” sa finals.
Bukod sa Grand Prix title, nag-uwi rin ang grupo ng gold medals sa Sacred Music Category at Mixed Category.
Bilang overall winner, kwalipikado na ang PCSO Chorale sa prestihiyosong Asia Choral Grand Prix na gaganapin sa Maynila sa August 2027.
Pinangunahan ang grupo nina Choir Conductor Robert Delgado at Choir Master Tristan Ignacio. Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, ito ang kauna-unahang pagsabak ng PCSO Chorale sa international competition.
Itinatag noong 1998 at binubuo ng mga empleyado ng PCSO, muling binuhay ang chorale noong Setyembre 2023 sa ilalim ng pamunuan nina Robles at Delgado.| via Joana Luna, D8TV News
