Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong lugar ng tumamang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Ayon sa Pangulo, nasa lugar na ang mga kalihim para magpaabot ng tulong at suriin ang pinsalang dulot ng lindol.
Titiyakin naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kaligtasan ng mga kalsada at tulay habang kumikilos na rin ang Department of Energy (DOE) upang maibalik ang suplay ng kuryente.
Nagpadala naman ang Department of Health (DOH) ng karagdagang tauhan sa mga ospital at naghatid naman ng pagkain at iba pang kinakailangang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ngayon, magiging katuwang naman sa search and rescue operations ang Bureau of Fire Protection habang pananatilihin naman ng Philippine National Police ang kaligtasan sa lugar.
Ang Office of Civil Defense naman ang mamumuno sa koordinasyon ng pangkalahatang ahensya para sa mas mabilis at maayos na pagtugon sa pangangailangan sa mga apektado ng lindol.
Hinimok naman ni Pangulong Marcos na manatiling alerto at antabayanan ang mga abiso sa lokal na pamahalaan at sama-samang itataguyod muli ang komunidad ng mga naapektuhan.
Samantala, nakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng mga nasawi sa magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu nitong Martes, September 30.
Sa kanyang inilabas na pahayag, sinabi ng Pangulo na isinasama nito sa kanyang dasal ang kaligtasan ng mga naapektuhan ng lindol. | via Alegria Galimba, D8TV News | Photo via Cebu Province/Facebook
#D8TVNews #D8TV
