Binanatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kontrobersyal na mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, matapos nitong igiit na ang ginawang pahayag nila Discaya sa mga isyu sa flood control projects ay puro alegasyon lang, at hindi totoong rebelasyon.
Ayon pa sa Pangulo sa ginanap na press briefing sa Cambodia, malaking malaki ang pagkakaiba ng alegasyon sa rebelasyon.
Nauna na rin kinuwestiyon ng ilang mga mambabatas ang naging sworn statement ng mga Discaya. Para kay Senador Kiko Pangilinan may cover up ang mga tinuran ng mag asawa sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee dahil taong 2022 lang na transaksyon ang inilabas nito sa komite habang 2016 pa sila nagsimula bilang mga kontratista sa DPWH.
May selective amnesia naman ang turing ni Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro sa mga Discaya dahil hindi nito isinama ang mga pulitikong humingi sa kanila ng ‘kickback’ sa panahon ng administrasyong Duterte at Aquino.
Nilinaw naman ng Pangulo, maaaring sumailalim si Curlee Discaya sa Witness Protection Program (WPP) kung kwalipikado, dahil nararapat lamang na mabigyan ng proteksyon ng estado ang bawat Pilipinong may kinikilalang banta sa kanilang buhay.
Nagbabala rin ang Pangulo laban sa name-dropping, matapos masangkot sa mga paratang ng mga Discaya si House Speaker Martin Romualdez. Paglilinaw ni Marcos, hindi isang krimen ang name-dropping. Nagiging krimen ito kapa ginamit ang pangalan ng iba para magnakaw.
Giit pa ng Pangulo, dekada nang naka-ugat ang korapsyon sa flood control projects at tiniyak niyang dudurugin ang bulok na sistemang ito. | via ABJR, D8TV News | Photo via HOR
#D8TVNews #D8TV
