PBBM sa mga Cabinet secretary: Maghain ng courtesy resignation

Nagpasabog si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos utusan ang lahat ng miyembro ng Gabinete na magsumite ng courtesy resignation, ayon sa Malacañang nitong Huwebes.

Ayon sa Palasyo, bahagi ito ng “recalibration” ng administrasyon matapos ang 2025 midterm elections. “Hindi na ito business as usual,” ayon kay Marcos. “Panahon na para i-align ang gobyerno sa inaasahan ng taumbayan.”

Tatlong araw bago ito, binanggit na ng Pangulo sa kaniyang “BBM Podcast” na may isinasagawang performance review sa kanyang Gabinete.

“Hindi ito tungkol sa personalidad. Ito’y tungkol sa performance, alignment, at urgency,” giit ni Marcos.
Layunin ng hakbang na bigyang-laya si Marcos na repasuhin ang bawat kagawaran at pumili ng mga karapat-dapat manatili. Kahit may mga masisipag at propesyonal sa Gabinete, aniya, kailangan na ng “mabilisang aksyon at resulta.”

“Ang mga mahusay ay kikilalanin. Pero tapos na ang panahon ng pagiging kampante,” ani Marcos. “Ang tao ang boss natin. Hindi pulitika, hindi palusot—resulta ang kailangan.”

Tiniyak ng Palasyo na tuloy-tuloy ang serbisyo publiko kahit may reshuffle, at magiging batayan ang galing, katatagan, at continuity sa pagpili ng bagong liderato.

Bagong yugto ito para sa administrasyon—mas matalim, mas mabilis, at mas nakatutok sa tunay na pangangailangan ng bayan. | via Allan Ortega | Photo via PNA

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *