Nagsalita na si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kaugnay sa kanyang pagkakadawit sa umano’y anomalya sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Co, ilalabas niya ang lahat ng katotohanan dahil ginagamit umano siyang “panakip-butas” sa kampanya kontra korapsyon.
Sa kanyang inilabas na video statement, ibinunyag ng dating kongresista na direkta siyang inutusan ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno na magpasok ng malaking halaga sa Bicameral Conference Committee.
Pinangalanan niya ang mga ito na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Inilahad ni Co na noong 2024 ay tumawag sa kanya si Pangandaman para magpasok ng P100 billong halaga ng proyekto sa Bicam na utos umano mismo ng Pangulo.
Binigay umano sa kanya ni Usec. Adrian Bersamin ang listahan ng mga proyekto mula sa isang brown na leather bag na galing mismo sa Pangulo.
Noong July 19, 2025, umalis si Co sa bansa para sa kanyang medical check up kung saan tinawagan siya ni Romualdez at pinayuhang huwag na munang umuwi ng bansa.
Tiniyak ni Co na ilalabas niya ang lahat ng katotohanan nang may resibo at pangalan na umano’y dawit sa katiwalian. | via Alegria Galimba
