Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng Oplan Kontra Baha: Greater Metro Manila Waterways Clearing and Cleaning Operations sa Balihatar Creek sa Barangay San Dionisio, Parañaque City ngayong Miyerkules, November 12.
Ang programang ito ay nakatuon sa regular na paglilinis ng mga kalat at basura sa waterways at drainage systems sa Metro Manila.
Bukod dito, titiyakin din nito na gumagana nang maayos ang mga pumping station.
Saklaw ng proyekto ang 142.4 kilometro ng ilog, sapa at estero maging ang 333.15 kilometro ng drainage systems sa Metro Manila upang makatulong na mabawasan ang mga pagbaha sa mga mabababang lugar at maprotektahan ang mga Pilipino sa epekto ng bagyo.
Kasama ni Pangulong Marcos sa paglulunsad ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga local government unit (LGU) at private sectors na tutulong sa programa.
Sabay ring inilunsad ang kaparehong proyekto sa Caingin, Valenzuela City; Sunog Apog sa Tondo, Maynila; Ilog San Juan sa San Juan at Las Piñas para mapanatili malinis, mahusay, at gumagana ang mga water drainage system sa buong National Capital Region (NCR). | via Alegria Galimba
