Aminado ang Malacanang na nabigla si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa biglaang pagpapalit ng liderato sa Senado, pero giit nito, hindi siya makikialam at igagalang ang desisyon ng mga senador.
Pinalitan ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III si Escudero bilang bagong Senate President matapos masangkot ang huli sa alegasyong may kinalaman sa flood control project insertions at sa ugnayan niya sa mga kontratista, kabilang si Lawrence Lubiano, na dati ring campaign donor.
Kinumpirma ni Escudero na nakatanggap siya ng P30 milyon mula kay Lubiano para sa kanyang kampanya noong 2022, ngunit itinanggi niyang ginamit niya ang kanyang kapangyarihan para bigyan ng pabor ang negosyante sa mga kontrata ng gobyerno.
Matatandaang binatikos na ni Marcos ang tinawag niyang “garapalan” na korapsyon sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno, at nangakong hahabulin ang pananagutan at magpapatupad ng reporma.
Ayon naman kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, sinusuportahan ng Pangulo ang sinumang iboto nilang lider.
Pinawi rin ni Castro ang pangamba na magdudulot ang nasabing pagpapalit ng Senate leadership ng ‘political chaos’ sa gitna ng mga imbestigasyong isinasagawa sa mga flood control project.
Dagdag pa ni Castro, marami nang nagdaang pagpapalit ng liderato na hindi naman nagdulot ng kaguluhan at tinanggap ng mga miyembro ang desisyon ng mas nakararami.
via D8TV News/ Andres Bonifacio Jr.